Sunday, April 29, 2007

Maling Kayabangan

Mayabang ka ba dahil may nagagawa ka na kakaiba sa ibang tao?
Mayroon bang isang bagay na pinagmamalaki mo sa mundo pero alam mo hindi dapat?


Kung "OO" ang sagot mo, huwag kang magulo. Blog ko ito. Ako ang magyayabang dito.

Nasa baba ang mga listahan ng mga yabang ko.

  • Kaya kong patunugin daliri ko ng maraming beses, hindi katulad ninyo na isang beses lang. (Bawal ang palakpakan ah)
  • Kaya kong pumitik na may lalabas na tunog. Ako lang at tatay ko ang nakakagawa nito.
  • EEE 33 Final Exam - Ako lang, inuulit ko, AKO LANG!!! ang nag-iisang tao sa batch namin na kinuha ang tatlong (3) oras na exam nang isang (1) oras at kalahati dahil may lakad ako. Ako ang pinaka-una natapos. Alas-nuebe (9AM) kasi simula ng exam, sabi 1 oras at kalahati lang nung una kaya gumawa ako ng lakad ng alas-onse imedya (11:30am). E ayaw ko na naghihintay mga tao sa akin kaya tinapos ko agad ang exam. Anong magagawa, ISANG-DAAN PURSYENTO LANG NAMAN ANG NAKUHA KO!!! PERPEKTO!!! Niloko pa ako ni Sir Malquisto na bagsak daw ako, pero pagkuha ko ng papel ko, aba 100 nakalagay na ginawang mata ng smiley yung dalawang zero. Panalo! Salamat nga pala kay Doc Sison, Ma'am Guev at Sir Malquisto sa pagpapahirap at kay Sir Mong na sinubukan magpadali pero mahirap pa rin dahil sa naunang tatlo.
  • EEE 105, Doc Alarilla - Ako lang, inuulit ko, AKO LANG!!! ang bumagsak sa klase namin... Pambihira ba naman!!! Perpekto ko lahat ng Machine Problem namin tapos bagsak ako!!! Saan ka nakakakita non!!! Isa lang ata ako o dalawa kami na nakagawa ng ganon. Malala pa non, walang attendance ang klase. Lagpas kalahati ng klase ang hindi pumapasok, pero isa ako sa mga natatanging studyante na nagsisipag pumasok tapos ako lang ang bumagsak? Tama ba yun? E pinakita yung exam papers ko, ano magagawa ko 10% ang average ko. Wala ako reklamo. SECOND TAKE!!!
  • Ma'am Knopf Engineering Science (ES) Marathon
ES11: Teacher: Ma'am Knopf
ES12 First Take: Teacher: Ma'am Knopf
Mahiwagang salita ni Ma'am Knopf: Gagraduate ka ng ES kapag grumaduate ka sa akin.
ES 12 Second Take: Pre-rog, hindi alam ang kung sino teacher basta makakuha lang at matapos na. Putik!!! Si Ma'am Knopf ulit!!! Tama nga sinabi niya nung first take ko.

Isa pa, isa ako sa mga natatangi niyang studyante na sa unang beses niya nagturo ay studyante niya ako. Kung bibilangin natin kung ilan beses niya ako naging studyante laban sa ilan beses siya nagturo, 3 is to 4 ang labanan. Ma'am Knopf marami pong salamat sa pagtuturo, kahit alam ko nainis kayo sa amin ni geoffrey dahil ang daldal namin.

  • Pakapalan ng sticker sa UP ID - Simula ng fresh na freshie ako hanggang grumaduate ako, hindi ko pinatanggal ang sticker kapag nagpapa-counter-sign ako. Sampung (10) semestre at apat (4) na summer ang kinuha ko. OO!!! kumpleto ko ang summer para lang maging on time. Bali lahat-lahat katorse (14) na sticker ang meron sa ID ko. Tagpi-tagpi na nga ang ID ko at kitang-kita ang kalumaan nito pero ito pa rin ang ginagamit ko at diskarte nalang ang ginagawa ko para lang makita pa ang pangalan ko.
  • Magbasa tayo ng resistor values - Ako lang, inuulit ko, AKO LANG!!! sa EEE ang hindi sumubok magbasa ng resistor band values kahit itinuro pa ito dahil trip ko lang at gusto ko ipakita sa mga tao na pwede grumaduate na hindi marunong magbasa, pero hindi ko inaanyayahan na gawin ito dahil mahihirapan kayo. Ako nahirapan. May lumabas ba naman sa EEE 25 exam na kailangan marunong ka magbasa ng resistor values, natural zero ako sa item na yun.
  • Surprise!!! - sa tanang buhay ko ito na siguro ang pinakamalala na ginawa kong kalokohan. Ang alam kasi ng magulang ko na delayed ako, summer graduate ika-nga. Pero dahil sa hindi ko malaman na kadahilanan e naisipan ko nalang na sabihin na graduation ko na sa gabi bago ang graduation ko. Nagulat ang halos lahat ng kakilala ko dahil hindi ko pinapaalam dahil malakas ang tsismis. Hindi ako nagdududa, isa lang sabihan ko na malapit kanila ma o di kaya malapit sa malapit kanila ma e nabisto na ako. Naging maganda ito para sa akin dahil nagkaroon ako ng motibasyon upang mag-aral ng mabuti sa huli kong semestre sa kolehiyo. Nag-aral ako ng mabuti hindi dahil sa magagalit ang aking magulang, kundi dahil sa gusto kong masurpresa ang magulang ko at kung magkakabagsak man ako wala na ang surpresa. Mabuti nalang at naging malinis naman ang mga plano ko at hindi ako bumagsak kahit kamuntik na.
Marami pa akong kayabangan, ngunit tinatamad na ako mag-isip. Mahirap din ang magsulat ano?

O sige na, pwede na magyabang ulit.

Yahoo!! nakapagpost na ulit ako...

Sunday, July 30, 2006

Geeky Stuff: Astig na math

Mahal Na Di Bumenta

Sa mga hindi nakakakilala sa akin, kapag meron isang pagkakataon na pwede akong gumawa ng makulit na bagay, nagiging makulit ako. Walang makakahadlang basta kaya ko gawin ang kakulitan kong iyon.

Kanina ang isa sa mga pagkakataon na iyon ay sumibol. Minsan lang mangyari, baka hindi na mabigyan ako ng pagkakataon muli kaya kailangan nang gawin.

Kumakain kami sa Mann Hann sa may SM North kanina, katapat lang ito ng Red Ribbon. Bukas ay ang kaarawan ng aking ina, kanina pa ako nag-iisip kung ano ang ibibigay ko sa kanya. Naisip ko na lokohin ang mga taong kasama ko.

Ang plano ay sasabihin ko sa nanay ko na may surprise ako sa kanya tapos tatayo ako at pupunta ng Red Ribbon at bibili ng cake, babalik sa Mann Hann at ibibigay ang cake. Sa isip ko, planadong-planado, swabeng-swabe. Pero malaki ang pagdududa ko sa paggawa ng kalokohan ko na ito dahil medyo may kamahalan ang isang cake. Ang pera sa bulsa ko ay limang daan lamang.

Matagal akong nag-isip… At napagdesisyonan ko na hindi na malamang ito mauulit. Unang-una kaarawan ng ina ko kinabukasan, kumakain kami sa Mann Hann, katapat lang ang Red Ribbon. Tatlong elemento na mababa ang prababilidad na maulit kaya kailangan nang gawin.

Sinabi ko sa aking ina, “Ma, dahil birthday mo bukas, may surprise ako sa iyo”

Sagot naman ng aking ina “E di hindi na surprise yon.”

Sagot ko “Sandali lang, kukunin ko lang…”

Tayo ako, diretso sa Red Ribbon. Nakita ko na merong Strawberry Choco Mousse, naalala ko na isa ito sa paborito ng aking ina kaya bili ako agad nito. Maswerte ako na 390 pesos lang ito.

Nabili ko na, balik ako, binigay ko sa nanay ko.

Hintay ng reaksyon…

Hintay…

Hintay…

ANAK NG TINAPA!!! WALANG TUMAWA!!! WALA MAN LANG NAGSABI NA ANG KULIT NG GINAWA KO!!!

MAHAL NA NGA ANG NAGASTOS KO, WALA PANG NAGBIGAY KOMENTO SA GINAWA KO!

Tuloy ang kain, tuloy ang usap na para bang walang nangyari. Pero sa aking looban...

Walang tumawa

Mahal ang ginastos

Hindi bumenta
Nakakaawa

Kalugmok-lugmok

Ka awa-awa

Tuesday, July 18, 2006

Mahiwagang Saging ni Raffy

Monday, July 10, 2006

Bata Pa Ako Noon

Naaalala ko ngayon ang aking pagkabata.

Bata, onti lang ang alam pero maraming kakulitan.

Itong pangyayaring ito ay nangyari sa mga panahon kung saan hindi ko pa alam kung ano ang silbi ng brief. Lumalabas ako ng bahay ng walang brief. Tumatakbo ng walang brief. Naglalaro ng walang brief. At higit sa lahat nagluluksong baka ng walang brief.

May kinukuha ako sa aming bahay nang masangga ko ang isang kahoy sa aking paahan.

BLAG!!!

"ARAY!!!" sigaw ng aking kuya.

Nag-away kami at umiyak siya dahil may kalakihan ang kahoy na bumagsak sa kanyang paa.

Malakas ang ingay na nagawa ng kahoy kaya napansin din ito ng aking itay.

Dali-dali itong umakyat at nagtungo sa aming kinatatayuan.

Sumbong ang aking kapatid.

"Si Sai, hinulugan ako ng kahoy sa paa."

Sagot ko naman "Hindi! Hindi!"

Maiyak-iyak na ako dahil alam ko na ang susunod kung mapatunayan kung talaga bang plinano ko ang pagbagsak ng kahoy sa paahan ng aking kapatid. Hindi ko iyon plinano, kaya pilit kong sinasabi at pinapatunayan na hindi ko plinano ang mga pangyayari.

Simple lang ang tugon ng aking itay.

"Sinasadya mo ba o hindi mo sinasadya?"

Napatigil ako at nag-isip.

Malalim.

Masmalalim.

Ano ang ibig sabihin ng "sinasadya"?

(Habang umiiyak at nag-iisip ng malalim.) "Sinasadya", mukhang may relasyon ito kung plinano ko ba ang nangyari o hindi. Pero masmukhang may tunog siya ng hindi plinano. Alam ko na, "Sinasadya" kaparehas lang siya ng hindi plinano.

Kaya inipon ko ang aking lakas, huminga ng malalim at taas nuong sinabi na may paninindigan "Sinasadya ko po."

"Sinasadya mo?" medyo may pagtatakang tanong muli ng aking itay.

"Opo. Sinasadya ko po." Muling tugon ko na may paninindigan at ngayon may tiwala sa sarili na hindi ako mapapalo dahil sinabi ko ang katotohanan.

Tugon ng aking ama "DAPA!!!"

Nagulat ako, naiyak lalo at nagmakaawang sinabi sa aking ama "Sinasadya ko po. Sinasadya ko po."

"DAPA!"

Labas ng sinturon, wala na akong magagawa kailangan ng dumapa.

"Sinasadya ko po. Sinasadya ko po." Nagmamakaawa habang dumadapa.

WHAPAK!!!

"Alam mo Sai dapat hindi mo sinasaktan ang kapatid mo. Kahit ano pang rason." Pangangaral ng aking ama.

"Hindi naman kita papaluin kung hindi mo sinasadya ang nangyari, pero sinadya mo."

At dahil sa pangungusap na iyon, nalaman ko na kung ano ang tunay na kahulugan ng "Sinasadya".

Nag-ipon nanaman ako ng lakas, huminga ng malalim at para malaman ng aking ama ang katotohanan taas nuong sinabi ko na may paninindigan "Hindi ko po sinasadya."

"Akala ko ba sinabi mo sinasadya mo? Niloloko mo ba ako? Nagsisinungaling ka pa ngayon."

WHAPAK!!!

Natapos na ang pangangaral.

Wala akong natutunan na bagong moralidad matapos ang masakit na pangyayari.

Pero may natutunan ako. May mga salita na masakit malaman ang kahulugan, hindi mo man gustong tanggapin ang sakit pero kailangan tanggapin dahil kailangan mo ng malaman ang kahulugan.

Sa akin ang salitang iyon ay "Sinasadya".

ISANG BAGAY NA HINDI MO DAPAT MALAMAN
Wala akong brief ng mga panahon na iyon.

Saturday, July 08, 2006

Cellphone Ko

May nagtanong sa akin kanina “Anong feeling nang madukutan ng cellphone?”

Sa mga hindi nakakaalam, opo, nadukutan po ako ng cellphone kamakailan lamang.

Sa kasalukuyan ay gumagala ako sa mundong ito na wala ang bagay na dala dala ko araw-araw sa dalawang taon nitong panunungkulan sa akin bilang isang masugid na tagapamigay impormasyon.

Balik tayo sa pinag-uusapan.

“Anong feeling ng madukutan ng cellphone?”

Sagot ko “Astig! Hindi ko man lang namalayan kung paano dinukot at kalian nadukot ang cellphone ko.”

Sa totoo lang, ganon ang pakiramdam ko nung nakita kong nakabukas ang bag ko. Hindi ako natutulog sa jeep at ng mga panahon na iyon ay sigurado akong ang kamay ko ay parating nakadampi sa aking bag.

Nag-isip ako ng mga motibo kung bakit sa dami-daming pwede dukutan sa loob ng jeep e ako pa ang nadukutan.

Naisip ko muna kung bakit dapat hindi ako. Matangkad, kung titingnan mo para ngang kayang-kaya ko ang lahat ng tao nakatabi ko sa jeep. Mukhang may laban, hindi ako ganon ka lampa pero ako pa rin ang nadukutan.

Rason kung bakit dapat ako ang dukutan. Marahil sa mga panahon na iyon ay mukha talaga akong tanga na naka-upo sa aking kinalalagyan sa loob ng jeep kung kaya nakakuha ng tiyempo ang mandurukot upang buksan ang zipper ng aking bag at makuha ang aking cellphone.

Naisip ko, mukha nga siguro akong tanga ng mga panahon na iyon. Nangyari na ba sa iyo ang tumingin sa kawalan ng dahil sa wala lamang. Aaminin ko madalas ganon ako sa loob ng jeep. Wala ka naman kasi talaga magawa sa loob ng jeep e. Uupo ka lang, titingin sa katapat mo, titingin sa ibang tao at kung makatsempo may uupo sa tabi mong nakasando lang at iaangat ang kamay sa hawakan at sakto ang kilikili ay tatapat sa balikat mo. Yun lang. O ang tumingin sa kawalan.

Aaminin ko, sa lagay kong ito mahiyain akong tao kaya maspinipili ko na lang ang tumingin sa kawalan kaysa sa tumingin sa mga paligid.

“Naapektuhan ka ba dahil wala ka ng cellphone ngayon?”

Hindi, meron nga akong cellphone noon, pero hindi ko naman ito masyadong ginagamit lagi e. Kung may kailangan lang akong itext dun ko lang ilalabas ang cellphone ko. Madalaas nga nagugulat na lang ako na meron na palang apat na mensahe sa cellphone ko. Parang masmabuti pa nga ngayon walang pwedeng sumira ng plano ko sa araw dahil hindi na ako madaling mahagilap. Yun nga lang kung talagang masaya ang lakwatsahan sayang hindi ako mayaya.

Nakakalungkot lang isipin dahil paborito ko ang numero ko sa cellphone 09272153668. Kung para sa iyo walang katuturan ang numerong iyan at binigay lang naman Globe iyan at tsamba lang yan e nagkakamali kayo. Astig yan! Bakit? Basta! Astig yan! Ang ganda lang ng dating.

Isa pa sa nasasayangan ako ay ang lubhang napaglumaan na text message na nasa loob ng cellphone ko. Meron ka pa bang text noong January 2, 2003? Kung meron ka, ang loser ko naman. Pero kung wala ka, ang loser ko pa rin, may cellphone ka, ako wala na.

Oo nga pala! Doon din nagsimula sa cellphone na iyon ang pangalang “Kamandag ng Barakuda”.

Dibali, ang cellphone ay bagay lamang. Masmabuti ng ganito, buhay at patuloy pa rin nakapaglalakad.

Wala ng magagawa, hindi na dapat umasa.

HOOOOYYY!!! IBALIK MO CELLPHONE KO!!!!

Wednesday, June 21, 2006

CR Privacy

Gaano ba kaimportante sa inyo ang inyong CR privacy?

Ah! Basta ako importante ito sa akin. Importanteng importante.

Isipin mo na lang hirap na hirap kang ilabas ang tae mo, tapos ng nakuha mo na ang tamang tsempo may isang bagay na nakawala sa isipan mo sa konsentrasyon. Wala na, hinila na pabalik sa looban ang tae na dapat nailabas mo na sa mga oras na iyon. Nakakainis. Nakaka-panghinayang.

Isa pa kung may isang bagay na bigla na lang pumasok sa iyo baka hindi mo alam iba na pala ang pagtingin sa iyo. Masama pa nito kapag nasa loob ka ng CR ng lalaki. Ano na lang ang iisipin sa iyo kapag may nakita kang parte ng katawan sa kabilang cubicle ang bigla na lang pumasok sa cubicle mo?

Gaano ba kaimportante sa inyo ang inyong resibo?

Hindi ko alam sa inyo, pero sa amin importante ito dahil nakakabawas ito sa pagbayad ng tax ng aming pamilya. Hindi ko alam ang detalye pero yun ang sabi ng aking mga magulang.

Noong lunes ng umaga, bumili kami ng aking ina sa Olympic Village ng swimming trunks at goggles dahil kailangan ko ito sa PE ko ngayong semestre. Dahil naglalakad kami ng aking ina, isinaksak ko na lang ang aming pinamili sa loob ng aking bag.

Matapos namin bumili ay oras na ng tanghalian at gutom na kami parehas ng aking ina. Nakita namin ang Tokyo Tokyo sa 2nd Floor ng SM North. Bigla ba naman nagloko ang aking tiyan.

Mabuti na lang ay mayroon tissue sa bag ko, kaya hindi na ako nagdalawang isip na tumakbo pa sa 3rd Floor CR. Lakad ako ng mabilis na halata na nagpipigil sa papalabas na kababalaghan.

Pagpasok sa CR, hanap agad ng libreng cubicle.

Pasok.

Lock.

Hubad.

Upo.

Tae.

Phew! Sarap tumae!

Oras na para linisin ko ang aking puwitan gamit ang tissue sa aking bag.

Nasa ilalim ng bag ko ang tissue at sa kasamaang palad nasa ilalim ito dahil isinuksok ko lang ang pinamili namin sa bag ko.

Hinugot ko ang tissue galing sa ilalim at sa kasamaang palad ay TINAMAAN NITO ANG RESIBO NG PINAMILI NAMIN AT PUMUNTA SA KABILANG CUBICLE NA MAYROON DIN TAONG TUMATAE!!!

Nag-isip ako agad, wag ko na lang kaya kunin yung resibo dahil papel lamang iyon.

Paano kung may magtanong sa akin na guard at bigla nalang tanungin kung nasaan ang resibo at wala sa akin e di napagkamalan pa akong magnanakaw.

Hindi naman mangyayari iyon, wala pa naman akong nakikitang guard na ganoon kaya pwede ko na siguro hayaan na lang ang resibo.

Pero hindi. Kailangan namin ng resibong iyon dahil medyo may kamahalan ang aming pinamili at makakabawas ito sa aming gastusin... (Kuripot)... kaya kailangan kong makuha kaagad ang resibo na iyon.

Pero nakakahiya, mamaya kung ano pang isipin ng nasa kabilang cubicle tungkol sa akin.

Paano kung mahilig pala sa lalaki ang nasa kabilang cubicle at abangan ako sa paglabas ko? Patay na!

Pero kailangan ko talaga makuha ang resibo.

Bahala na... Kuha!

E dahil sa magaling ako, naisip ko ang lahat ng iyan in 0.0000032134546777328 seconds. Sapat na para makuha kaagad ang papel sa kabilang cubicle bago pa ito tuluyang makalayo.

Mabuti na lang ay mahaba ang aking mga kamay, kung hindi baka mapatayo pa ako at kung saan pa magtungo ang mga labi ng tae ko sa puwet ko.

Itinago ko na ng maigi ang resibo at nagpahid na ng tissue.

Kuha.

Pahid.

Kuha.

Pahid.

Kuha.

Pahid.

Marami pa ba natitira?

Mukhang meron pa.

Kuha.

Pahid.

Inspection.

Mukhang OK na.

Tayo.

Bihis.

Kuha bag.

Unlock.

Labas at patay kang bata ka... may baklang nasa labas na nakatayo sa harapan ng pinto.

Kinabahan ako, ito na ba yung lalaking nasa kabilang cubicle.

Mukhang hindi, iba ang kislap ng kanyang mga mata. Para bang hindi na makapaghintay, hindi na kayang magtiis. Nakapila pala.

Phew ligtas!

Pero kung nasaan ka man, lalaki sa kabilang cubicle. Pasensya na, naabala ko pa ang CR privacy mo. Sana maintindihan mo, masimportante ang resibo ko kaysa sa dangal ko at pagtae mo.

Dumi

Sa lahat ng ayaw ko ay magsulat na para bang nagsasabi sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin. Hindi ko lang talaga maatim na kung bakit tayong mga tao dito sa mundo ayaw ng kalat sa ating tahanan ngunit patuloy na nagkakalat sa kung saan-saan.

Hindi ko malimutan ang isang pangyayari sa SM North. May mag-inang naglalakad sa harapan ko at mukhang parehas kami ng daraanan kaya nasa likuran lang ako. Umiinom ang bata ng C2. Nang maubos na, nagtanong ang bata kung saan niya raw itatapon ang bote sa kanyang ina dahil walang basurahan sa malapit. Natuwa ako sa ina dahil kinuha niya ang bote ng C2 at patuloy lang na naglakad. Akala ko itatapon niya sa basurahan na matatagpuan sa mga daanan ng SM. Nagulat na lang ako ng bigla na lang lumuhod ang ina habang naglalakad at inilagay sa gitna ng daanan ang C2. Tuwa pa man din ako sa kanya dahil akala ko magiging magandang huwaran siya ng kanyang anak, yun pala hindi rin. Ano na lang ang gagawin ng bata kapag lumaki siya.

Para sa akin ang kapaligiran natin ay hindi sa atin. Nakikiraan lang tayo. Wala tayong karapatan dumihan ito, kahit na sabihin niyo pang maliit lang naman ang basura na ikinalat ko.

Isa pang pangyayari, galing kami sa kasintahan ng aking kapatid dahil patungo kaming puerto galera. Sumakay kami ng bus, nagbayad ang kapatid ko at kinuha niya ang ticket ng bus. Sa loob ng bus malamang hindi mo pwede itapon ang ticket ng bus dahil mamaya may mag-inspeksyon mapagkamalan ka pang hindi nagbayad, patay ka, bayad ka ulit. Pagkababa namin ay naglalakad na kami papuntang 7-11, nang pasimpleng inihulog ng aking kapatid ang mga ticket ng bus. Sa aking reaksyon masasabi niyo may pagka-konserbatibo ako pagdating sa pagkakalat ng mga dumi sa paligid. Medyo nairita ako sa aking kapatid dahil hindi naman niya kailangan pang gawin yun at maliliit lang naman ang ticket ng bus, pwede mo to dalhin kahit saan at kung maalala mo na meron ka palang ticket ng bus at may malapit na basurahan, e di dun mo na lang itapon.

Aaminin ko, na kapag pumasok ka sa aking kwarto daig pa nito ang siyudad na dinaanan ng bagyo sa kadumihan. Kalat ang mga gamit, minsan nasa sahig lang ang nagamit ko ng mga damit. Mga papel kung saan-saan nakalagay. Mga bag, plastic at kung ano-ano pang mga kalat. Minsan aakalain mong kaya ko mo ng makahuli ng bagong species ng mga insekto at bacteria sa loob ng kwarto ko. Pero kwarto ko ay kwarto ko. May mga taong pumapasok dito pero sobrang bihira lang ito. Pero ang kapaligiran ay hindi natin kwarto. Hindi rin sa atin ito. Kaya mahiya dapat tayo kung magkakalat tayo rito.

Sa Lakay may isa akong natutunan na tungkol sa pagkakalat at pagpapanatili sa ating kapaligiran na sa tingin ko ay importante. Kapag umaakyat kami ng bundok, meron doon tinatawag na trail. Maliit lang ang trail pero dito kami dumadaan. Kung nanonood kayo ng mga documentary sa pag-akyat ng bundok pansinin niyong mabuti na sa isang linya lang ang mga tao naglalakad. Hindi ito dahil sa maliit lang ang daanan, dahil ito sa LNT principle o Leave No Trace principle. Sinusubukan namin na kung ano ang itsura ng bundok bago kami dumaan doon ay ganoon pa rin ang itsura nito kapag umalis kami. Kung hindi maglalakad ang mga tao sa isang linya sa bundok, maraming matatapakan na halaman.

Hindi ko malimutan kapag umaakyat kami ng bundok at kumakain kami ng manok. Ang mga buto ay hindi namin binabaon sa lupa, binabalot namin ito ng maayos at inilalagay sa aming mga bag. Kahit mabigat pa ang mga bag namin, ganoon pa rin ang aming ginagawa. Importante, wala ka talagang makikita na dumi sa kapaligiran. Pangit naman kung aakyat ka ng bundok ay makakakita ka ng maraming kalat galing sa ibang namumundok. Nandun ka nga para lumanghap ng sariwang hangin at makaiwas sa kung ano man dala ng siyudad at yun pa ang makikita mo.

Sana ganito tayo sa ating kapaligiran. Kapag dumaan tayo, kung ano itsura niya bago tayo dumaan, ay ganoon rin ang itsura niya pag-alis natin. Yun lang naman. Kahit wag mo na pulutin ang mga basura sa paligid, wag mo na lang silang dagdagan. Kung yun lang ang kaya mong gawin, bakit hindi mo gawin. Pero masmaganda sana kung pulutin mo rin ang mga dumi na makita mo. Para sa akin kapag hindi ka nagtapon at kahit wag ka na magpulot isa ka ng huwaran na tao.

Isipin niyo lang, yung may silbi pa yung mga bagay na dala niyo nadadala niyo sila. Ibig sabihin madadala niyo rin sila kapag wala na silang silbi. Dalhin niyo sila hanggang sa makakita kayo ng tamang tapunan. Ang sinasabi kong tamang tapunan ay yung may mga basurahan na plastic, metal, o kahit ano pa, basta alam niyo naman ang tamang itsura ng basurahan. Hindi kasama rito yung kapag nakakita ka ng tambak ng basura e di dun ka na rin magtatapon. Wag naman ganon.

Kapag sumasakay ako ng bus, yung galing sa mga probinsya. Minsan naranasan ko na ako ang unang sumakay sa loob ng bus. Malinis, kaaya-aya at walang kalat. Nagkataon naman na ako rin ang huling bababa dahil hanggang sa dulo pa ako. Aba! Nung kaunti na lang kami sa loob ng bus, biglang prumeno, narinig ko at nakita ko ang mga 10 PET bottles ang nagsidulasan patungo sa paahan ng drayber. Nahulog pa ang cellphone ko sa sahig kaya kailangan kong pulutin at nakita ko ang katutak na mga plastic at papel. Siguro kung iipunin mo lahat ng mga kalat na iyon makakapuno ka na ng dalawang sako. Ang dumi!!!

Tama na nga... masyado na itong mahaba. Basta ang masasabi ko lang mahiya naman sana tayo, madali lang dalhin ang basura. Kung nadala mo ang bote ng C2 ng may laman pa siya mas kaya mong dalhin yan kapag wala na siyang laman dahil masmagaan na yan.

Hindi sa atin ang kapaligiran.

Nakikiraan lang tayo.

Huwag ka ng pumulot ng basura, pero wag mo itong dadagdagan.

Itapon ang basura sa tamang tapunan.

Respeto na lang sa ating kapaligiran.

mahiya! Mahiya! MAHIYA!!!

Thursday, April 20, 2006

Akyat ko kuha ko

Matagal tagal na rin pala ako hindi nakakapagpost dito. Pasensya na ho. Masyado lang po kasi akong busy ngayong mga panahon na ito.

Itong post na ito ay kakaiba sa mga post na ginawa ko noon. Ito ay dahil sa hindi ako gaano magsusulat ukol sa mga pangyayari sa aking buhay, ngunit gusto ko lang makita ninyo kung ano talaga ang aking mga tunay na ginagawa para sa past time ko, ang pamumundok.

Naway matuwa kayo sa inyong makikita. Pindutin lamang ang nasa ibaba.

Climbing Pictures

Wednesday, April 12, 2006

Creative Writing

Sa pitong asignatura ko noong nakaraan na semestre ang pinakapaborito ko at pinaka hindi ko malilimutan na asignatura ay ang Creative Writing 10 o maskilala sa maikling CW10.

Matagal ko na ito gusto isulat dito sa blog ko ngunit dahil meron pa kaming klase at baka lang nagbabasa pa ang aking guro ng aking blog (asa pa ako) baka kung ano pang mangyari sa grado ko. Kaya tapos na ang semestre, malaya na akong makakapagsulat tungkol rito.

Ika nga ng aking guro na si Ma'am April Yap, bago mo gawin kalokohan ang iba sa pagsusulat ng isang bagay, kailangan munang unahin mo isulat ang iyong sarili para naman hindi masyadong nakakasakit kapag iba na ang nilalaglag mo. Kaya unahin ko ang aking sarili.

Ako ay isang estudyante ng asignaturang ito, at aminado akong hindi ako magaling magsulat sa wikang ingles. Kung kaya naman kinakailangan ko talaga ng malaking tulong mula sa ibang tao. At ang isa sa mga taong ito ay si Becky.

Hindi ko makalimutan ang unang papel na pinatingnan ko sa kanya. Sa una ang linis pa ng papel, ngunit pagbalik nito sa akin parang dumaan sa matinding labanan ang papel ko dahil ito ay nagdurugo sa pula. Pero dahil sa mga ganoong mapupulang pagkakataon hindi ko makakalimutan ang tulong na ibingay niya sa akin.

Isa pa sa mga hindi ko makalimutan sa asignaturang ito ay ang isa kong kaklaseng babae na kapag tinatawag siya ng aming guro ay parang gusto ko siyang itali o di kaya ay bihisan ng straigh jacket. Ito ay sa kadahilanan na ang kanyang kamay ay kung saan saan lumilipad kapag siya ay nagsasalita. Dati medyo kalmado pa ang kanyang kamay, tapon dito, tapon doon, matindi na kung umabot na ng balikat niya ang kanyang kamay. Pero nagkamali pala ako sa aking inakala. Hindi pa pala iyon ang pinakamatindi. Hindi ko talaga makalimutan ang mga oras na iyon, sinabi niya "...the WHOOOOLE WOOORLD..." sabay buka ng kanyang mga kamay at todong ibinuka ang kanyang mga braso at gumawa ng isang malaking bilog gamit ang kanyang mga mahihiwagang kamay. Hindi ko napigilan ang aking sarili at nasabi ko na lang ay "WOOOWWW!!!".

Hindi ko rin malilimutan ang isa ko pang kaklase na kapag siya naman ang nagsasalita ay hindi ko malaman kung kulang pa ba ang pagsusuklay niya ng kanyang buhok. Palibhasa kailangan niyang hawakan at haplusin ang kanyang buhok sa bawat salita na kanyang ilalabas. Kung kaya kapag siya ay nagsasalita ay hindi ko na malaman kung ano ang kanyang mga sinasabi pero dun lang ako nakatingin sa kanyang buhok. Naaalala ko pa noong tapos na siya magsalita at nagsasalita na ang aming guro ay hinaplos niya ang kanyang buhok muli, tumigil ang aming guro sa pagsasalita at tinanong kung meron ba siyang gusto sabihin. Natawa ako sa mga oras na iyon dahil sa tingin ko pati ang aming guro ay napansin na bawat haplos sa kanyang buhok ay may kaukulang salita sa kanyang bibig.

Ang aking katabi naman ay hindi ko dapat makalimutan. Ang halimaw na ito ay walang iba kung hindi si Joelle. Naging masaya ang CW10 ko dahil din sa kanya dahil kapag siya ay tinatanong ko kapag hindi na ako makasunod sa discussion ay ang kanyang isasagot sa akin ay "Huh?" Doon ko lang nalaman na parehas na pala kami hindi na makasunod sa mga sinasabi. Palibhasa mga engineering kasi kaya ganon ang pag-iisip.

At siyempre pa, hindi ko makakalimutana ng aming guro na si Ma'am April Yap. Sa simula ng klase ay akala ko ang CW10 na ang magiging pinakaboring kong asignatura ngunit isa pala itong pagkakamali dahil sa aming guro na tunay nga namang nakakatuwa habang nagtuturo dahil sobra kung makapanglait ng mga pangit na palabas sa sinehan at kung ano pang meron sa kamunduhan na ito. Diretso siya magsalita at lagi na lang patok ang kanyang mga biro sa akin.

Pababala sa mga estudyante niya, laging wrong timing si Ma'am magtawag dahil kapag ako ang kanyang tinatawag ay lagi na lang dun ako sa parte na wala akong masagot. Ang gagawin ko na lang ay magsasalita na lang ako ng kung ano-ano pero kailangan may confidence upang hindi niya malaman na wala akong alam.

Tunay nga naman nagsiya ako sa nakaraang semestre dahil sa asignaturang ito. Naway kayong mga nag-iisip pa ng kukunin na asignatura sa susunod na semestre ay kunin ang CW10 at kunin niyong guro ay si Ma'am April Yap para hindi kayo maboringan. Piliin niyo na rin yung mga kaklase ko dahil tunay nga naman silang nakakatuwa.